464-man Team Philippines sasabak sa Aichi-Nagoya Asiad
MANILA, Philippines — Mga bigating pangalan ang magdadala ng laban ng Team Philippines sa 20th Asian Games sa Aichi-Nagoya, Japan.
Isinumite na ng Philippine Olympic Committee (POC) ang final list ng delegasyong makikipag-agawan para sa medalya sa quadrennial event na nakatakda sa Setyembre 19 hanggang Oktubre 4.
Nangunguna sa listahan sina Pinay tennis sensation Alex Eala, Paris Olympics double gold medalist Carlos Edriel Yulo, pole vaulter EJ Obiena at jiu-jitsu standout Annie Ramirez.
Bahagi sina Eala, Yulo, Obiena at Ramirez sa kabuuang 464 national athletes na sasabak sa 39 sports sa Aichi-Nagoya Asiad.
Kasama rin sa national contingent ang Gilas Pilipinas 5x5 men’s basketball team ni coach Tim Cone na magdedepensa ng kanilang korona.
Hangad ng Team Phi?ippines na mapaganda ang nahakot na apat na gold, dalawang silver at 12 bronze medals sa 2022 Asiad sa Hangzhou, China para tumapos sa No. 17 spot.
Ang apat na ginto ay nagmula sa mga panalo nina Obiena, Ramirez at Meggie Ochoa sa women’s jiu-jitsu at ang Gilas Pilipinas.
Kumpiyansa sina POC president Abraham ‘Bambol’ Tolentino at Philippine Sports Commission (PSC) chairman Patrick ‘Pato’ Gregorio na mas maraming gintong medalya ang makokolekta ng mga national athletes sa Aichi-Nagoya Asiad.
Ang gold medal din ang target ni Eala, ang World No. 18 ranked player, matapos mag-uwi ng tig-isang bronze sa women’s individual at mixed doubles event ng 2022 edition sa Hangzhou.
Hangad naman ni Yulo ang kauna-unahan niyang Asiad gold kasama ang kapatid na si Karl Eldrew.
Puntirya rin nina Olympic medalists Nesthy Petecio, Carlo Paalam at Aira Villegas na makasuntok ng ginto sa boxing event.
- Latest

















