13-anyos nasilo ng lubid sa leeg, tigok!
MANILA, Philippines — Patay ang isang 13-anyos na batang lalaki makaraan aksidenteng masilo ng lubid sa leeg sa likod ng kanilang babuyan sa Brgy. Cogon, Danao City, Cebu, ayon sa ulat kahapon.
Sa ulat ng Danao City Police, nangyari ang insidente sa nasabing lugar bandang alas-11 ng umaga noong Sabado. Inutasan ng kaniyang ama ang bata na silipin ang kanilang piggery para tiyakin na ang mga biik ay hindi matatapakan o madadaganan ng kanilang inahing baboy.
Gayunman, habang nasa loob ng kanilang bahay ay narining ng ama ang iyakan ng mga biik kaya pinasundan sa isa pa nitong anak na 11-anyos ang kaniyang kuya para tingnan kung nasa piggery pa ito.
Gayunman, nabigo ang 11-anyos na matagpuan ang kaniyang kuya kaya sinabi sa ama na wala roon ang kapatid.
Nagtungo naman sa kanilang babuyan ang ama para hanapin ang 13-anyos nitong anak at laking gulat nito nang makitang nasilo ng lubid sa leeg ang bata at hindi na gumagalaw.
Ang nasabing lubid ay pantali sa inahing baboy na nakasabit sa piggery.
Nagawa pang maisugod sa pagamutan ang biktima pero idineklara nang dead-on-arrival.
- Latest






















