Kaso ng leptospirosis sa Maynila, higit 1K na

MANILA, Philippines — Pumalo na sa 1,051 ang kaso ng leptospirosis sa Maynila mula Enero 1 hanggang Setyembre 8, 2026, matapos madagdagan ng 70 kaso noong Setyembre 8.
Batay sa daily W.I.L.D. Disease Update ng Manila Health Department (MHD) na ibinahagi ni Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso, umabot na rin sa 2,754 ang dengue cases matapos madagdagan ng 32 kaso.
Nasa 1,384 naman ang influenza-like illness (ILI), habang may 71 kaso ng typhoid fever at 340 kaso ng severe acute respiratory infection (SARI).
Umabot na sa 91 ang COVID-19 cases matapos madagdagan ng isa, habang nananatili sa apat ang kabuuang kaso ng cholera dahil walang bagong naitala.
Muling hinikayat ni Domagoso ang mga Manilenyo na mag-ingat laban sa mga sakit at agad na magpakonsulta sa pinakamalapit na health facility kapag nakaramdam ng sintomas.
Samantala, umaabot sa 29 percent ang ibinaba sa kaso ng leptospirosis sa Quezon City ngayong taong 2026 o nasa 138 cases na naitala mula Enero hanggang Setyembre 7 ngayong taon kumpara sa 573 cases ng leptospirosis noong 2025.
Ito ayon kay Dr Rolly Cruz, head ng QC Epedemiology and Surveilance Division ay bunga na rin ng pinalakas na information drive sa mga barangay kung paano makakaiwas sa sakit at kung paano malulunasan ang naturang sakit.
Karamihan aniya sa mga nagkasakit ay mga lalaki na nasa edad 30-anyos na may trabaho sa labas ng bahay tulad ng tricycle driver, delivery men at construction workers.
Nasa barangay Commonwealth, Batasan at Tatalon aniya ang lugar na may pinakamaraming kaso ng leptospirosis.
- Latest



















