Ayaw tantanan... Seth, apektado na ‘pag kinukumpara kay Daniel!

Conscious na si Seth Fedelin sa patuloy na pagkukumpara sa kanya kay Daniel Padilla.
Actually, nagtataka na siya kung bakit lagi na lang ganun.
Ito ay kahit ang dami na niyang napatunayan sa kanyang career, bilang kalahati ng tambalang FranSeth – Francine Diaz.
“Ewan ko po ha, sa lahat ng nagsasalamin, ako ang sinasabihan na ‘bakit nagsasalamin si Seth?’ Sa lahat ng ganyan magbihis, ako lang ba ang nagsasalamin?” nagtatakang tanong na rin ni Seth sa aming interview sabay turo sa kanyang nakasalaming mukha.
“Meron din naman ibang nagsasalamin? Sa akin mas nakikita. I don’t know?” sabi pa niya na medyo parang napapagod na rin sa laging pagkukumpara sa kanila ni DJ.
At dito niya idiniin na hinding-hindi niya ginagamit ang actor.
“Hindi ko po siya ginagamit para sa sarili ko,” sabi pa niya.

Apektado na rin daw siya sa totoo lang: “At saka sobra na rin po akong naapektuhan to the point na nai-stress ako,” pag-amin ni Seth.
So nako-conscious ka na? Sundot na tanong namin.
Lalo na nga aniya, may pagkakataong kahit kasama pa niya si Francine ay tinatawag siyang Daniel.
“So minsan naglalakad ako, naglalakad kami ni Francine, ang tawag sa akin, ang pangalan ni Kuya DJ (Daniel Padilla). Ganun, natatawa na lang kami,” sabi niya.
“See. ‘Yung mga taong hindi ako kilala, ‘yun ang tawag sa akin. Bawal po ba akong magganito ng buhok (sabay hawak ulti sa kanyang buhok), hindi na ba ako pwedeng magganito ng salamin,” sabi pa ng young actor.
“So ganito ba dapat ang boses ko para maging ganun ako,” sabi niya pa na parang pinaliit ang boses niya.
“At hindi lang po ako, nakakabasa rin ako sa kapwa ko artista na, porke’t nag-shades din, kinokomentan na nila na kamukha na nu’n. ‘Yun na agad,” dagdag niya pang pahayag.
Pero tulad ng ibang aktor, gusto rin niyang makamit ang mga achievement ni Daniel pero hindi nga ibig sabihin ay nananalamin siya physically sa kapwa Kapamilya actor.
“At saka kung ano po ang nakamit nila, ni Kuya DJ, kung anong success nila, in terms of trabaho, pelikula, gusto ko rin pong mapuntahan. Pangarap din po namin ‘yun.
“Pero siguro ‘yung gawin ko siyang salamin, manalamin ako at siya ang nakikita ko sa salamin, hindi po. May respeto po ako sa kapwa ko artista.
“Gusto ko rin pong ipakita kung sino ako, ano ako, ano ang kaya ko,” mahabang sabi ni Seth tungkol sa makukulit na fans na talagang ayaw siyang tigilan na anino siya ng karelasyon ni Kaila Estrada.
Pero pagdating sa ‘relasyon’ nila ni Francine, walang label pero pananagutan niya ang ka-loveteam.
Lalo na at for the first time finally ay nagkaroon na sila ng kissing scene ng young actor.
Pero hindi raw ibig sabihin nu’n ay magpapaka-daring na sila after that kissing scene sa kanilang vertical series na A Cake to Remember.
Yup level up ang eksena nila rito.
Kaya naman nang sundutin namin ng tanong kung may possibility bang daring scene na ang kanilang susunod na gagawin, may paliwanag ang dalawa. “Siguro po kung gagamitin ‘yung word na ‘daring,’ baka maging tpo much to descbribe it, ‘yung next step,” ayon kay Francine.
“Siguro, mas ano lang po, mas magiging courageous kami to take on roles na daring for us, individually and na magkasama. Pero in term of doing kissing scene with each other, hindi pa po namin alam ‘yun sa ngayon if kayang i-take po sa next level na,” dagdag ng young actress.
Ayon naman kay Seth, nagbibigay ito ng pressure sa kanya lalo na nga at ang daming nagtatanong tungkol dito.
“Kailangan po ba naming sumabay sa mga daring? Kailangan po ba naming magpakita ng kung anong gusto nilang makita?
“At hindi rin po namin kaya ‘yun kaya that’s why may Star Magic po na gumagabay sa amin, nag-a-ask kami kung okay po ba ‘to,” ani Seth.
- Latest

























