VP Sara baka manuntok - Jonvic

Kaya hindi inaresto
MANILA, Philippines — Diretsahang sinabi ni Interior and Local Government (DILG) Secretary Jonvic Remulla na baka manuntok si Vice President Sara Duterte kaya hindi isinagawa ang pag-aresto rito.
Ayon kay Remulla, nais nilang mapanatili ang respeto sa proseso, at higit sa lahat, maiwasan ang posibleng gulo o karahasan.
“We are more worried baka manuntok ng nagse-serve ng warrant kasi nangyari na ‘yon dati sa Davao.” ani Remulla.
Dagdag pa ni Remulla, mayroon umano siyang nakikitang “predilection to violence and extreme efforts to get her way” pagdating sa Bise Presidente.
Sinabi pa ni Remulla na gusto ng Bise Presidente na magkaroon ng “drama” sa kanyang pagkakaaresto na hindi nila ginawa.
“Gusto niya kasi kulong kaagad eh. Gusto niya the high drama na ikukulong siya rito. Gusto niya ipakita na nakaposas siya. Sabi namin, ‘Vice President ka eh,’” wika ni Remulla sa isang press conference ngayong Lunes, September 7.
Mas gusto anilang pairalin ang respeto dahil ikalawa ito sa pinakamataas na opisyal ng bansa.
Setyembre 4 nang naglabas ang Quezon City Regional Trial Court (RTC) ng arrest warrant laban kay Duterte kaugnay ng tatlong bilang ng grave threats at itinakda ang piyansa sa P120,000 bawat kaso. Noong Sabado, humarap ang Bise Presidente sa korte at naglagak ng kabuuang P360,000 piyansa.
Samantala, tiniyak ni PNP chief Gen. Jose Melencio Nartatez Jr. na walang utos o hakbang ang PNP para i-harass o i-surveillance si Duterte. Inatasan niya ang mga yunit ng pulisya na tiyaking legal, awtorisado at propesyonal ang anumang security o threat-monitoring activities laban sa bise presidente at kanyang pamilya.
- Latest





















