Mag-utol dedo sa Maguindanao ambush

MANILA, Philippines — Napaslang ang magkapatid na lalaki makaraang tambangan at pagbabarilin ng mga armadong salarin sa isang liblib na lugar sa Paglat, Maguindanao del Sur nitong Lunes.
Sa report, kinilala ni Captain Steffi Salanguit, spokesperson ng Police Regional Office-Bangsamoro Autonomous Region (PRO-BAR) ang mga nasawi na si Ebrahim Mamalinta, 35, ng SK Pendatun at kapatid nitong si Marquez Mamalinta, residente ng Pandag; pawang sa Maguindanao del Sur.
Ayon sa imbestigasyon, ang magkapatid ay magkaangkas sa motorsiklo nang dikitan ng mga armadong salarin na lulan din ng motorsiklo sa Brgy. Campo, Paglat at pagbabarilin bandang ala-1 ng hapon.
Kapwa tumilapon sa motorsiklo ang dalawa at pagbagsak sa kalsada, muli pa silang pinagbabaril nang malapitan upang tiyakin na napuruhan ang mga target.
Matapos ang pamamaril, tumakas ang mga suspek patungo sa direksyon ng bayan ng Gen. SK Pendatun.
Narekober ng mga nagrespodeng pulis sa crime scene ang motorsiklo ng mga biktima at mga basyo ng bala ng hindi pa natukoy na kalibre ng armas.
- Latest




















