Trike driver, 5 beses sinaksak ng pasaherong therapist
CAVITE, Philippines — “Kuya dito na ‘ko, dito ka na rin mamamatay!”
Ito ang sinabit ng isang pasaherong therapist bago niya undayan ng sunud-sunod na saksak ang driver ng kanyang sinakyang tricycle sa Brgy. Ligtong 3, bayan ng Rosario, dito, kamakalawa.
Kritikal matapos magtamo ng hindi bababa sa limang saksak sa katawan ang isang tricycle driver na si alyas “Ricardo,” 45-anyos, at residente ng lugar.
Agad namang naaresto ang suspek sa follow-up operation ng pulisya na si alyas “Ivan,” 21-anyos, na kalaunan ay nabatid na isang therapist.
Sa imbestigasyon ng pulisya, ala-1:20 ng madaling araw, bumabagtas ang biktima gamit ang tricycle nito at sakay ang suspek na nasa likod ng biktima at nagpahatid sa bahay nito.
Nang makarating sa lugar, nagsalita umano ang suspek ng -- “Kuya dito na ‘ko, dito ka na rin mamamatay!” saka nito sinaksak ng limang beses sa likod ang biktima bago tumakas.
Naitakbo sa pagamutan ang tricycle driver na nasa maselang kondisyon.
- Latest
















