Alex Eala desididong lumaro sa Asian Games
MANILA, Philippines — Hindi natinag si Alex Eala sa mga nakaabang na penalty dahil maglalaro talaga ito sa 2026 Asian Games tennis competition na papalo sa Nagoya, Japan.
Sa kabila ng nakaambang penalty mula sa WTA, desidido si Eala na maglaro sa naturang quadrennial meet.
Makakasabay ng Asian Games ang WTA 1000 Beijing Open na isang mandatory event ng WTA na kailangang lahukan ng mga players.
Gaganapin ang Beijing Open sa Setyembre 30 hanggang Oktubre 11 habang lalarga naman ang tennis event ng Asian Games mula Setyembre 7 hanggang Oktubre 3.
Kaya naman mapipilitan si Eala na hindi na magpartisipa sa Beijing Open upang pagtuunan ng pansin ang pagsabak nito sa Asian Games.
Nais ni Eala na huwag palampasin ang Asian Games dahil ginaganap lang ito ng kada apat na taon.
“The Asian Games happens once every four years. I just found myself drawn to competing in that, aside from other stuff,” ani Eala.
Sumulat na ang Philippine Tennis Association (Philta) sa WTA upang pahintulutan si Eala na makapaglaro sa Asian Games lalo pa’t dala nito ang bandila ng Pilipinas.
Kung hindi ito mapagbibigyan ng WTA, posibleng mapatawan ito ng point penalties at fines.
Gayunpaman, malaki rin ang nakataya sa Asian Games dahil ang magkakampeon ay awtomatikong mabibiyayaan ng tiket sa 2028 Olympic Games na gaganapin sa Los Angeles, California.
Kaya naman malaking torneo rin ito para kay Eala.
Masaya si Eala sa tuwing sumasalang ito sa national team duties.
“I love playing and competing with the Philippine team. And in the SEA Games, the Asian Games, I’ve also done,” ani Eala.
Isa si Eala sa mga paboritong magkampeon sa Asian Games.
- Latest


















