18 nasagip sa lumubog na bangka
MANILA, Philippines — Nasagip ang 18 katao makaraang aksidenteng lumubog ang isang pampasaherong bangka sa bahagi ng karagatan ng Dalupiri Island, Magsidel, Calayan, Cagayan nitong Sabado ng hapon.
Sa ulat ni Calayan Municipal Disaster Risk Reduction and Management Officer Jeo Robert Arirao, ang bangkang M/B Geri-An ay naglalayag patungo sa Calayan na umalis sa pantalan ng Claveria, Cagayan.
Habang bumabaybay sa dagat ay nagkaroon ng masamang lagay ng panahon dulot ng malalakas na pag-ulan na dala ng southwest monsoon rain o habagat.
Dito ay binalya ng dambuhalang alon ang bangka bunsod upang pasukin ito nang tubig habang nagawa naman ng mga tripulante ng bangka na makapagpadala ng radio message sa Philippine Coast Guard (PCG) at Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO).
Agad nagresponde ang mga tauhan ng PCG at ng lokal na MDRRMO at pinagtulungang masagip ang nasa 18 katao na kinabibilangan ng mga pasahero at mga tripulante ng bangka.
- Latest















