Nang-scam kina Rufa Mae at Neri Naig, timbog ng CIDG
MANILA, Philippines — Nasa kustodiya na ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ang negosyanteng nasa likod ng diumano’y Dermacare investment scam matapos arestuhin ng mga awtoridad sa pagdating sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 1, mula Malaysia, nitong Sabado.
Dakong alas-3:36 ng madaling araw ng Setyembre 5, nang salubungin si Chanda Atienza at dating admin at financier nityong si Venus Eunizel Gonda, pagbaba ng Malaysia Airlines Flight MH 708, na idineport mula sa Kuala, Lumpur, Malaysia.
Pormal na ring nai-turn over ang dalawa sa CIDG para sa karagdagang proseso, kasunod ng karaniwang proseso ng clearance at verification sa Immigration dakong alas-5:05 ng umaga.
Una nang iniulat na nadakip si Atienza sa Kuala, Lumpur noong Agosto 21, 2026 kasama ang kanyang kapatid sa Pavilion mall sa Kuala, Lumpur ng Malaysian authorities, sa pagkumpirma ni Lars Pacheco—ang transwoman beauty queen at social media personality.
Sa Facebook page ni Pacheco ay ipinakita ang video ng pag-aresto kay Atienza ng Malaysian Police Interpol. Ginamit ang nakabinbing warrant of arrest laban kay Atienza at iba pa na nasa likod ng Dermacare investment scam, bukod pa sa kasong paglabag sa Securities and Exchange Commission (SEC) kaugnay sa pagmamay-ari ng nasabing skincare clinic.
Matatandaang noong 2024 nang maaresto ang aktres na si Neri Naig at sumuko naman si Rufa Mae Quinto sa National Bureau of Investigation (NBI) na kasamang kinasuhan dahil sa pagiging brand ambassador ng Dermacare.
- Latest

















