P204.4 milyong ‘kush’ pa, nadiskubre sa yate sa Subic
MANILA, Philippines — Nasa mahigit P204 milyong halaga ng kush ang nadiskubre pa sa isang yate sa nagpapatuloy na inspeksyon sa Port of Subic sa Zambales, ayon sa Bureau of Customs (BOC) nitong Sabado.
Nasa 109 pakete ng kush na may timbang na 123.91 kilo at halagang P204.44 milyon, ang panibagong natuklasan nitong Sabado, mula sa iisang yate na dati nang nakuhanan ng 89 pakete na katumbas ng P162.2 milyong halaga noong Miyerkules.
Katuwang ng BOC sa operasyon ang Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), Department of Justice (DOJ), Philippine Coast Guard (PCG), Philippine National Police (PNP), at Subic Bay Metropolitan Authority Law Enforcement Department (SBMA-LED).
Sa kabuuan, umabot na sa 198 pakete ng high-end kush o halagang humigit-kumulang sa P366.65 milyon.
Binigyang-diin ni District Collector Atty. Geniefelle Lagmay ang determinasyon ng Port of Subic na manatiling mapagmatyag at mapigilan ang pagpasok ng iligal na droga sa bansa, sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
- Latest


















