Cool Smashers, High Speed Hitters nakatutok sa Finals spot

MANILA, Philippines — Ang isa sa dalawang finals berth ang pag-aagawan ng Creamline at nagdedepensang PLDT sa huling araw ng single-round eliminations ng 2026 Premier Volleyball League (PVL) Invitational Conference.
Magtutuos ang Cool Smashers at High Speed Hitters ngayong alas-6:30 ng gabi matapos ang salpukan ng mga guest teams EST Cola ng Thailand at Ho Chi Minh City ng Vietnam sa alas-4 ng hapon sa Smart Araneta Coliseum.
Unang sasalang ang Nxled Chameleons at Farm Fresh Foxies sa ala-1:30 ng hapon.
Sosyo sa liderato ang Creamline at EST Cola sa magkatulad nilang 3-1 record kasunod ang Nxled (2-2), PLDT (2-2) at mga sibak nang Farm Fresh (1-3) at Ho Chi Minh (1-3).
Nadiskaril ang pagbulsa ng Cool Smashers sa finals ticket matapos ang 25-17, 21-25, 22-25, 25-27 kabiguan sa mga Thai spikers.
Ang kapaguran at kakulangan sa preparasyon ang dalawa sa itinuturong mga dahilan ng Creamline.
“Everyone wants to win. It’s just I think how you will overcome the pressure, how you will stand out and play harder, and the willingness doon sa panalo,” ani Cool Smashers middle blocker Jaja Santiago-Minowa. “Everyone is tired already but patibayan na lang talaga hanggang sa dulo.”
Tinapos naman ng High Speed Hitters ang dalawang sunod na kamalasan sa 25-16-, 25-22, 23-25, 25-20 panalo sa Foxies.
Para maagaw ang finals ticket ay kailangang talunin ng High Speed Hitters ang Cool Smashers sa tatlo o apat na sets at ipanalangin na matalo ang mga Thais at mga Chameleons sa tatlo o apat na sets.
Ang finals spot din ang puntirya ng EST Cola sa pagsagupa sa Ho Chi Minh.
- Latest



















