Baby Dolls, inilabas ang bagong dance anthem na Meme

Matapos umarangkada ang kanilang viral hits na Oohh Lala Baby at Ikembot Mo, tuloy-tuloy ang breakout girl group na Baby Dolls sa pagpapaindak dala ang bagong dance anthem na Meme.
Hatid ng Meme, ang masaya at makulit na energy na nakilala sa Baby Dolls. Mula sa komposisyon at produksyon ni Christian Martinez ang upbeat dance-pop track, habang inareglo naman ito ni Albert Tamayo. Si StarPop label head Roque “Rox” Santos ang nagsilbing supervising producer ng kanta. Baby Dolls mismo ang bumuo ng choreography ng awitin kasama si Renz Januz Bercasio.
Sinundan ng bagong single ang debut EP na Zoom Baby Dolls ng It’s Showtime girl group tampok ang patok na mga kantang Oohh Lala Baby at Ikembot Mo. Umabot na sa halos 14 million streams sa Spotify ang EP, habang mahigit 23 million combined views naman ang lyric videos nito sa YouTube.
Milyun-milyon ding posts sa TikTok ang nabuo gamit ang parehong kanta, patunay ng patuloy na paglawak ng kanilang fanbase. Ang viral na Oohh Lala Baby ay mayroon nang mahigit 17 million views sa YouTube, kung saan nanguna rin ang music video nito sa YouTube Music chart. Umabot rin sa mahigit 9.3 million streams sa Spotify ang awitin at napabilang ito sa OPM Rising, Viral Hits Philippines, at P-pop On The Rise playlists. Nakapasok din ito sa ika-96 pwesto ng Billboard Philippines Hot 100 bilang kanilang unang entry sa nasabing chart.
Samantala, patuloy ring umaarangkada ang Ikembot Mo. May mahigit 6.4 million views na ang lyric video nito sa YouTube at higit 3.6 million streams sa Spotify. Binubuo ang seven-member Baby Dolls nina Arianne Dela Cruz, Chole Florendo, Eriel Reyes, Ina Ortega, Jelai Ahamil, Johaira Moris at Juby Sabino.
Napapakinggan na ang kanilang Meme single sa iba’t ibang digital streaming platforms.
- Latest
























