Eala reresbak kay Oliynykova

MANILA, Philippines — Puntirya ni Alex Eala na masikwat ang tiket sa third round sa pagsagupa nito kay Ukrainian Oleksandra Oliynykova sa US Open ngayong araw sa Louis Armstrong Stadium sa USTA Billie Jean King Center sa Flushing Meadows, New York.
Base sa schedule ng mga organizers, nakatakda ang bakbakan nina Eala at Oliynykova sa alas-12:40 Huwebes ng tanghali sa New York (alas-12:40 ng Biyernes ng madaling araw sa Maynila).
Pakay ni Eala na makaresbak kay Oliynykova na tumalo sa kanya sa opening round ng WTA 500 Strasbourg Open noong Mayo sa France, 6-3, 5-7, 3-6.
Sariwang-sariwa pa sa memorya ni Eala ang laban nila ni Oliynykova.
“It was a really good match. I mean, very intense and quite tight,” ani Eala.
Kaya naman gigil si Eala na makabawi sa pagkakataong ito lalo pa’t alam na nito kung paano maglaro ang Ukrainian netter.
Malaki na ang pinagbago ng laro ni Eala sapul noong nagharap sila ni Oliynykova na magagamit nito sa kanilang muling pagtutuos.
“I think looking back at that match, there are a lot of things that I could have done better and that I’ve been working on since then. It’s been a couple of months, and I think I’ve developed a lot in those months,” wika pa ni Eala.
Galing si Eala sa matamis na 6-1, 6-2 demolisyon laban kay Mary Stoiana ng Amerika sa opening round.
At ito ang parehong mindset na dadalhin nito sa oras na makasagupa nito si Oliynykova.
“So yeah, all I can do is come into that match with the same mindset as today—or even better than the mindset I’ve been having these past couple of weeks—and try to do my best,” ani Eala.
Nakapasok naman sa second round si Oliynykova matapos payukuin si Reese Brantmeir, 6-4, 6-4, sa first round.
- Latest




















