2 Pinoy seafarers, todas sa Strait of Hormuz attack

MANILA, Philippines — Kinumpirma ng Department of Migrant Workers na dalawang Filipino seafarers ang nasawi matapos na atakehin ang Saudi-flagged crude oil tanker na M/VSIDR habang tumatawid sa Strait of Hormuz noong Lunes ng gabi.
Ayon kay Migrant Workers Secretary Hans Leo Cacdac na ang barko ay tinamaan ng hindi pa tukoy na projectile habang papatawid na nagresulta sa pagkakaroon ng sunog na kalaunan ay naapula rin.
“There were 16 Filipino seafarers on board.Unfortunately, mayroon tayong dalawang tripulante na nasawi as a result of the attack. Nagkaroon ng fire sa barko at na-contain ng ating magigiting na tripulante,” wika ni Cacdac.
Kinumpirma rin ni Cacdac na ang dalawang bangkay ay nadala na sa Oman habang ang 14 tripulante na nakaligtas sa insidente ay naghihintay na lamang ng kanilang biyahe upang makauwi ng Pilipinas.
Personal na binisita kahapon ni Cacdac ang pamilya ng mga nasawing tripulante at pinagkalooban ng kaukulang tulong pinansiyal, katuwang ang Overseas Workers Welfare Administration (OWWA).
Umaapela naman ang pamilya ng mga biktima na agarang mapauwi ng Pilipinas ang labi ng kanilang mga kaanak na maaaring abutin pa umano ng isang buwan bago tuluyang mai-repatriate.
- Latest
















