Mag-ama nilamon ng ilog sa Zambales

MANILA, Philippines — Isang 35-anyos na ama at anak nitong lalaki ang nalunod makaraang tangayin nang malakas na agos sa ilog sa bayan ng Botolan, Zambales noong Martes.
Batay sa ulat ng Botolan Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO), nangyari ang insidente dakong ala-1:00 ng hapon noong Martes.
Lumalabas sa imbestigasyon, kasalukuyang pauwi na ang mag-ama sa kanilang tahanan sakay ng kariton na hinihila ng kanilang alagang kalabaw nang tangayin ng malakas na agos ng tubig baha at mapadpad sa ilog at nalunod.
Sa isinagawang search and rescue operation ng mga awtoridad ay narekober ang bangkay ng 35 anyos na ama na kinilalang si Simeon Candule, residente ng Brgy. Palis ng bayang ito.
Patuloy namang pinaghahanap ang nawawala pang anak na lalaki.
Ang pagbaha sa lugar ay sanhi ng malalakas na pag-ulan na dulot ng habagat.
- Latest















