Opisina ng bise alkalde ng Maynila, nasunog
MANILA, Philippines — Nasunog ang tanggapan ni Manila Vice Mayor Chi Atienza na matatagpuan sa ikalawang palapag ng gusali ng Manila City Hall, sa Ermita, Manila kahapon ng madaling araw.
Sa ulat ng Manila Bureau of Fire Protection (BFP), alas-5:38 ng madaling araw nang ideklarang nasa unang alarma ang sunog at naideklara naman itong fire out, alas-6:21 ng umaga.
Ayon kay Atienza, kinumpirma sa kanya ng mga pamatay-sunog na sa refrigerator na nakasaksak sa pantry ng kanyang tanggapan nagsimula ang apoy.
“Nung na-check po ng Bureau of Fire, nangyari po ‘yun sa pantry dahil sa ref na nakasaksak. Dahil luma na po ang mga electrical wires dito at mga saksakan, nag-spark po ang ref,” aniya.
Ani Atienza, dahil sa sunog ay hindi muna sila nakapagbukas ng Office of the Vice Mayor kahapon dahil kailangan muna nilang hintayin ang clearance ng BFP.
Sa sandali naman aniyang makakuha sila ng clearance ay kaagad silang maglilinis ng tanggapan.
Tiniyak din niyang magbabalik sila sa pagseserbisyo sa mga Manilenyo ngayong araw at maglalagay na lamang muna ng mga mesa sa labas ng kanilang tanggapan.
- Latest















