Karerista abangers sa Sampaguita race
MANILA, Philippines — Abangers na ang mga karerista sa ilalargang 2026 PHILRACOM “Sampaguita Stakes Race” ngayong buwan ng Setyembre na pakakawalan sa pista ng Philippine Jockey Club sa Padre Garcia, Batangas.
Bagama’t wala pang naghayag ng pagsali ay tiyak na paghahandaan ito ng mga trainer at hinete at may oras pang mag-ensayo dahil sa Setyembre 27 ang araw ng laban.
Bukas ang nasabing stakes race sa lahat ng four-year-old pataas na local mares na nakasali na sa regular na karera kaya posibleng sa susunod na linggo ay mayroon ng magsasaad ng pagsali.
Nakalaan ang P1-M guaranteed prize ang ikakalat sa unang anim na kabayong tatawid sa meta, ito’y kung mahigit sa pito ang magtatagisan ng bilis sa distansyang 1,800 meter race.
Hahamigin ng mananalong kabayo ang P600K mapupunta sa pangalawa ang P200,000, iuuwi ng tersero ang P100,000.
Sakaling anim pababa lang ang kasali ay hanggang apat lang ang mabibiyayaan ng premyo, ibubulsa ng first place ang P600,000, P225,000 sa pangalawa, P125,000 sa pangatlo at sa pang-apat ay kukubrahin ang P50,000.
Ang nominasyon at deklarasyon ay sa Setyembre 14, habang sa Setyembre 24 ang drawing of lots sa PJCI office.
- Latest

















