Motorsiklo salpok sa van: 6 todas!

MANILA, Philippines — Anim katao ang kumpirmadong patay habang marami pa ang nasugatan sa banggaan ng motorsiklo at van sa Brgy. Paglaum, Dumalinao, Zamboanga del Sur nitong Martes ng tanghali.
Sa inisyal na ulat ng Zamboanga del Sur Provincial Police Office (PPO), bandang alas-12 ng tanghali nang mangyari ang malagim na sakuna sa nasabing lugar.
Kasalukuyang bumabagtas sa highway ng naturang lugar ang isang van na galing Zamboanga Sibugay nang makabanggaan nito ang motorsiklo pagsapit sa Brgy. Poblacion ng nabanggit na bayan.
Sa lakas ng pagkakabangga, idineklarang dead-on-the-spot ang anim sa mga biktima na tinabunan ng mga karton at plastic sheets sa tabi ng kalye.
Hindi pa maibigay ng pulisya ang mga pangalan ng mga nasawi habang patuloy ang beripikasyon sa kanilang pagkakakilanlan.
Ang mga nasugatan ay mabilis namang isinugod sa pagamutan para malapatan ng pangunahing lunas.
Patuloy ang masusing imbestigasyon ng mga awtoridad sa kasong ito at inaalam na rin kung ano ang nagbunsod sa nasabing sakuna.
- Latest




















