Kelot timbog sa pagbebenta ng P10 na SIM card

MANILA, Philippines — Arestado ang isang 26-anyos na lalaki matapos umanong magbenta online ng mga rehistradong SIM card sa halagang P10 bawat isa sa Obando, Bulacan. Nakumpiska sa operasyon ang 400 SIM card.
Kinilala ng Philippine National Police Anti-Cybercrime Group (PNP-ACG) ang suspek sa alyas na “Junel”, na naaresto noong gabi ng Agosto 24 matapos matuklasan ng Bulacan Provincial Cyber Response Team ang kanyang aktibidad sa regular na pagmamanman sa internet.
Ayon sa PNP-ACG, natuklasan ang social media account ng suspek na nag-aalok ng mga rehistradong SIM card nang maramihan. Inamin din umano nitong siya mismo ang nagparehistro ng ilan sa mga SIM gamit ang pangalan at pagkakakilanlan ng ibang tao.
Patuloy na sinusuri ng mga awtoridad ang 400 nakumpiskang SIM card bilang bahagi ng imbestigasyon. Nahaharap ang suspek sa reklamong paglabag sa SIM Registration Act of 2022 at Cybercrime Prevention Act of 2012.
Ayon kay PNP-ACG acting director PMGen. Wilson Asueta, bahagi ang operasyon ng pinaigting na pagmamanman sa mga online platform upang matukoy at mahuli ang mga gumagamit nito sa cybercrime. Aniya, maaaring gamitin ang mga rehistradong SIM card sa mga scam at iba pang krimen online.
- Latest















