AFP nabudol: DepEd ginamit Army cert sa P15 milyong funds
MANILA, Philippines — Ginamit umano ng Department of Education (DepEd), sa ilalim ng noo’y Kalihim na si Sara Duterte, ang isang karaniwang sertipikasyon mula sa Philippine Army upang suportahan ang P15.54-milyong claim sa confidential funds, ayon kay House prosecution spokesperson Rep. Zia Alonto Adiong.
Pinatunayan ng sertipiko ang pagsasagawa ng walong Youth Leadership Summits (YLS) at 53 Information Education Campaigns ng 1st Infantry “Tabak” Division noong 2023.
Ngunit hindi nito tinukoy ang impormante, hindi nagpatunay ng reward o kabayaran, at walang indikasyon na DepEd confidential funds ang ginamit.
Sa testimonya ni Col. Manaros M. Boransing II, nilinaw niyang walang perang mula sa DepEd ang ipinadala sa kanyang division para sa mga naturang aktibidad. Aniya, karaniwang dokumento lamang ito ng kanilang paglahok, at nalaman niyang ginamit ng DepEd ang sertipiko sa liquidation response ng Commission on Audit (COA).
“Isa lang po ang puwedeng mabuo na konklusyon mula sa testimonya ni Col. Boransing: nabudol po ang AFP,” ani Adiong sa ika-20 araw ng impeachment trial.
Dagdag pa niya, ginamit ng DepEd ang sertipikasyon bilang tugon sa COA Audit Observation Memorandum na humihingi ng ebidensya sa P15.54-M reward claims.
Ayon kay Rep. Jude Acidre, ang paggamit ng certificate bilang ebidensya ng liquidation ay maaaring indikasyon ng maling representasyon.
“Mukhang nabudol ang AFP, mukhang nabudol ang taong bayan,” aniya, na nanawagan nang mas masusing pagsusuri sa trail ng confidential funds.
Dagdag pa ni Acidre, ang kuwestiyonableng paggamit ng dokumento ay dapat magbunsod nang mas malalim na imbestigasyon.
- Latest















