18 ektarya sa Taguig, posibleng mapunta sa gobyerno - Cayetano
Kung mapatunayang ilegal ang titulo
MANILA, Philippines — Posibleng magkaroon umano ng karagdagang lupa ang gobyerno kung mapatunayang ilegal ang mga titulo ng mga ari-ariang na nasa gilid ng Laguna Lake sa Taguig City.
Ito ang sinabi ni Senate Minority Leader Alan Peter Cayetano matapos sabihin ni Senator Panfilo Lacson na may apat na parsela ng lupa na umano’y may mga mapanlinlang na titulo, kabilang ang isang 181,077-square-meter na ari-arian na sakop ng titulong nagmula sa isang homestead patent.
Sa mensahe ni Cayetano sa ika-44 na anibersaryo ng Mandaport Apostolic Pentecostals (MAP) Church nitong August 30, sinabi niyang maaaring mapunta sa gobyerno ang humigit-kumulang 18 ektaryang lupain kung mapatunayang ilegal ang titulo nito.
Bukas din siya sa gagawing masusing pagsusuri sa mga titulo ng lupa sa lugar, lalo’t matagal na aniyang nais ni Taguig City Mayor Lani Cayetano na masuri ang mga ito.
“Katulad ngayon na gusto nilang tignan lahat ng titulo, matagal na pong gusto ni Lani iyon,” sabi ni Cayetano.
Nauna nang hiniling ni Lacson sa Land Registration Authority (LRA) na siyasatin ang pinagmulan at kasaysayan ng mga titulo ng mga ari-arian sa mga lugar na iniugnay niya sa umano’y ilegal na reclamation sa Taguig.
Ani Lacson, maaaring sampahan ng kaso ang mga responsable sakaling mapatunayang minanipula ang mga titulo.
Para kay Cayetano, maaaring magbukas ito ng pagkakataon para magkaroon ang gobyerno ng karagdagang lupain kung mapatutunayan ang mga alegasyon.
- Latest

















