Dalawang lolo dedo sa salpok sa puno
MANILA, Philippines — Dalawang lolo ang nasawi habang sugatan ang isa pang senior citizen matapos na bumangga sa puno ng acacia ang kanilang sinasakyang kotse sa kahabaan ng provincial road, Zone 6, Brgy. San Juan Lorenzo, Minalabac, Camarines Sur, kamakalawa ng gabi.
Kapwa ideneklarang dead-on-arrival sa Bicol Medical Center sa Naga City ang mga biktimang sina Ford, 79-anyos, residente ng Pulang Lupa 2, Las Piñas City; at Lino, 71-anyos, ng Brgy. Irayang Solong ng naturang bayan.
Sugatan at patuloy na inoobserbahan sa pagamutan ang driver ng kotse na si Chad, 78-anyos.
Sa ulat, alas-6:00 ng gabi binabagtas ng mga biktima ang kahabaan ng provincial road galing ng Naga City lulan ng Honda City Sedan na minamaneho ni Chad patungong Poblacion, Minalabac nang bigla umanong napaidlip ito at pumakabilang linya ang sasakyan at malakas na bumangga sa puno ng acacia sa tabi ng kalsada.
Agad rumesponde ang mga tauhan ng MDRRMO-Minalabac at mabilis na isinugod ang sugatang mga biktima sa pagamutan pero kapwa hindi na umabot nang buhay sina Ford at Lino.
- Latest





















