Babaeng dalaw tiklo sa shabu sa sapatos

CAVITE, Philippines — Himas rehas na rin ngayon ang isang 49-anyos na babaeng dalaw matapos makuhanan ng shabu sa dala nitong sapatos na ibibigay sana sa kapatid na nakakulong sa Tanza, kamakalawa.
Kinilala ang babaeng suspek sa alyas na “Guada,” 49-anyos na dalaga, residente ng Barangay Amaya 6, Tanza, Cavite.
Base sa Tanza Police, dakong alas-2 ng hapon nang dumating ang suspek sa Tanza jail, upang dumalaw sa kapatid nitong nakakulong na may kasong drugs.
Sa isinasagawang regular inspection ng duty jail officer ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) sa bawat dumadalaw sa piitan, sinisiyasat muna ang mga dalang gamit, suot na damit at pagkain ng mga ito. Dito, napansin umano ng duty officer ang isang kahina-hinalang bagay na nakatago sa loob ng dala nitong sapatos. Nang suriing mabuti, tumambad ang isang sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu na nakasiksik sa loob ng isang sapatos na ibibigay sana nito sa kaniyang kapatid sa loob ng selda. Nakumpiska sa babae ang may 2.42 gramo ng shabu na aabot sa halagang P16,456.
- Latest
















