Santiago isasalang ng Creamline vs Nxled

MANILA, Philippines — Sa isang maikling torneo ay mahalaga ang bawat laro sa 2026 Premier Volleyball League (PVL) Invitational Conference.
Bubuksan ng PLDT ang kanilang title defense sa pakikipagtuos sa guest team EST Cola ng Thailand ngayong ala-1:30 ng hapon kasunod ang salpukan ng Creamline at Nxled sa alas-4 ng hapon sa Smart Araneta Coliseum.
Maglalaban ang Farm Fresh Foxies at guest team Ho Chi Minh City ng Vietnam sa huling laro sa alas-6:30 ng gabi.
Magtatapos ang torneo sa Setyembre 8 sa Big Dome.
Sinabi ni Jaja Santiago (Sachi Minowa) ng Creamline na dati nang nagkaroon ng maikling torneo ang PVL.
“Parang nangyari na sa atin ito nu’ng first PVL na tuloy-tuloy ‘yung laro,” sabi ng nagbabalik na middle blocker. “So it’s just siguro ang mahalaga is paano talaga makaka-recover in the first game, second game, ‘yung mga susunod.”
Sa pagbandera sa 6-foot-5 na si Santiago ay lumakas ang tsansa ng Cool Smashers na makuha ang ikalawang sunod na korona matapos pagreynahan ang nakaraang PVL All-Filipino Conference kontra sa Cignal HD Spikers.
Makakatuwang ni Santiago sa Creamline sina Alyssa Valdez, Jema Galanza, Tots Carlos, Pangs Panaga, Bea De Leon at Kyle Negrito.
Itatapat ng Nxled sina Fil-Am hitter Brooke Van Sickle, Myla Pablo, MJ Phillips, Jonah Escamilla, Chiara Permentilla, EJ Cariño, Leyann de Guzman, Gel Cayuna at Jackie Acuña.
Hindi naglaro si Van Sickle sa nakaraang PVL On Tour dahil sa pagrekober sa kanyang injury.
Ang PLDT at Farm Fresh ang unang susukat sa mga foreign teams na EST Cola ng Thailand at Ho Chi Minh City ng Vietnam.
- Latest

















