3 menor-de-edad arestado sa pagnanakaw, pagpatay
MANILA, Philippines — Bumagsak na sa kamay ng pulisya ang tatlong menor-de-edad na lalaki na sangkot sa pagnanakaw at pagpatay sa isang 57-anyos na lalaki sa loob ng banyo ng isang hotel sa Quezon City noong Agosto 26.
Batay sa report na tinanggap ni QCPD Director PBGen. Christopher Olazo, natagpuan ang bangkay ng isang 57-anyos na lalaki bandang alas-11:20 ng umaga noong Agosto 26 sa loob ng banyo ng isang hotel sa Timog Avenue, Brgy. Sacred Heart, Quezon City.
Sa imbestigasyon ng pulisya, lumitaw sa CCTV footage na huling nakita ang biktima na buhay noong Agosto 23 habang kasama ang tatlong menor-de-edad sa hotel.
Kalaunan, nakita ang mga ito na umalis dala ang ilang personal na gamit ng biktima.
Nakatulong sa pagtukoy sa mga suspek ang pagsusuri sa cellphone na nakuha sa crime scene.
Sa pahintulot ng pamilya ng biktima, natukoy ng mga imbestigador na ginagamit ng mga menor-de-edad ang mga nawawalang device at nasundan ang kanilang lokasyon.
Narekober sa operasyon ang ilang umano’y pag-aari ng biktima, kabilang ang mga cellphone, wristwatch, pouch, at bank at credit cards.
Isasailalim ang mga menor-de-edad sa kaukulang proseso bago i-turn over sa Quezon City Social Services Development Department para sa assessment at intervention.
- Latest
















