8 evacuation center binuksan ng Parañaque LGU vs habagat

MANILA, Philippines — Nagbukas ang Parañaque City government ng walong evacuation center sa limang barangay para sa mga residenteng naapektuhan ng malakas na ulan at pagbaha dulot ng habagat.
Ayon sa ulat, 95 pamilya ang pansamantalang nanunuluyan sa apat na evacuation sites sa Brgy. San Antonio at Barangay San Isidro.
Kabilang sa mga ginawang kanlungan ang Silverio Elementary School na may limang pamilya, Santos Multipurpose Hall na may 70 pamilya, Lopez Village Multipurpose Hall na may siyam na pamilya, at San Antonio Barangay Hall na may 11 pamilya.
Hinimok ni Mayor Edwin Olivarez ang mga residente na unahin ang kanilang kaligtasan at makipag-ugnayan sa mga opisyal ng barangay kung kinakailangan ang paglikas.
Tiniyak ng alkalde na nakahanda pa ang iba pang evacuation center sakaling lumakas pa ang ulan at lumala ang pagbaha.
- Latest



















