Madi Mojdeh may rekord agad sa Bangkok

MANILA, Philippines — Nagtala agad ng dalawang bagong rekord si Behrouz Mohammad Madi Mojdeh ng La Salle Greenhills sa pagsisimula ng 3rd Asian Open Schools Invitational (AOSI) Short Course Swimming Championships na ginaganap sa Bangkok, Thailand.
Nagparamdam agad si Mojdeh nang pagharian nito ang boys’ 15-year 200m Individual Medley sa bilis na dalawang minuto at 12.31 segundo para masungkit ang kanyang unang gintong medalya.
Binura ng 15-anyos Behrouz Elite Swimming Team (BEST) tanker ang dating marka na 1:13.37 na naitala ni Thitichot Ong ng Thailand noong 2024 edisyon.
Hindi nagpaawat si Mojdeh nang muli itong bumanat ng rekord sa boys’ 15-year 200m breaststroke kung saan nailista nito ang 2:26.53.
Mas maganda ito ng di hamak sa 2:36.41 na dating marka ni Wai Yan Pyne ng Singapore noong 2024.
Hataw din ng ginto sina Annika Quinto at Clara Maligat habang nag-ambag si Mikhael Jasper Mikee Mojdeh ng pilak at tanso naman mula kay Athena Custodio.
Namayagpag si Quinto sa girls’ 15-year 50m freestyle sa bilis na 28.30 habang nanguna si Maligat sa girls’ 15-year 25m butterfly.
Pumangalawa si Mikee Mojdeh sa boys’ 11-year 200m IM (2:50.56) at ikatlo si Custodio sa girls’ 15-year 200m breaststroke (3:08.53).
- Latest






















