Malacañang, tiniyak ang dagdag-pondo sa Emergency Repatriation Fund

MANILA, Philippines — Tiniyak ng Malacañang na madaragdagan ang pondo para sa pagtulong at pagpapauwi sa mga distressed Overseas Filipino Workers (OFWs) para sa susunod na taon.
Ayon kay Palace Press Officer Undersecretary Claire Castro, nagmula ang pagbaba ng Emergency Repatriation Fund (ERF) sa mahigit P900 milyong panukala para sa 2027 dahil naisumite ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) ang kanilang panukalang budget bago pa sumiklab ang krisis sa Middle East. Upang matugunan ito, tiniyak ng pamahalaan ang mga sumusunod na dagdag-pondo: P3 bilyon – Idadagdag sa AKSYON Fund ng Department of Migrant Workers (DMW); P1 bilyon – Karagdagang pondo para sa OWWA; P700 milyon-Bahagi ng dagdag sa OWWA na ilalaan mismo para sa emergency repatriation.
Ito ay matapos ipahayag ni OWWA Chief PY Caunan ang kanyang pagkabahala sa Kamara dahil ang ERF ay bumaba sa P900 milyon mula sa nakaraang taunang alokasyon na P1.2 bilyon.
Binigyang-diin ng Palasyo na patuloy ang pagtutok ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. upang masiguro na laging handa ang pamahalaan sa anumang krisis na kailangang tugunan sa ibang bansa.
- Latest















