PCG member na nag-amok at nanutok ng baril, inaresto
MANILA, Philippines — Inaresto ng mga otoridad ang isang tauhan ng Philippine Coast Guard (PCG) matapos umanong mag-amok at tutukan ng baril ang kanyang mga kainuman sa Tondo, Maynila, kamakalawa.
Ang suspek na alyas “Ian,” 25, apprentice seaman ng PCG na nakatalaga sa Parola Base sa Tondo, at residente ng Camp Aguinaldo, Quezon ay mahaharap sa kasong paglabag sa Article 155 ng Revised Penal Code o Alarm and Scandal.
Sa ulat ng Moriones-Tondo Police Station (PS2), alas-2:00 ng madaling araw nang maganap ang insidente sa Delpan St. kanto ng San Luis St. Tondo.
Ayon sa isang testigo na bago ang insidente ay nakikipag-inuman ang suspek sa ilang residente sa naturang lugar at nang malasing ay bigla na lang ito umanong nagwala at binunot ang baril at itinutok sa kanyang mga kainuman.
Nagdulot ito ng takot at pagpapanik sa mga tao sa lugar kaya’t kaagad aniya niya itong inireport sa mga pulis na mabilis rumesponde at naaresto ang suspek at nakumpiska ang kanyang service firearm na isang MASADA 9 na may Coast Guard logo.
- Latest





















