High Speed Hitters sinagupa Alas Women sa tuneup game
MANILA, Philippines — Kasama sa preparasyon ng PLDT para sa pagdedepensa sa suot na 2026 Premier Volleyball League (PVL) Invitational Conference ay ang pagsagupa sa Alas Pilipinas Women sa isang friendly match.
Nilabanan ng PLDT ni coach Rald Ricafort ang Alas sa isang tuneup game noong Huwebes.
Matapos ito ay nagdaos ang PLDT ng viewing session para tingnan kung ano ang kanilang mga dapat gawing adjustment sa kampanya sa Invitational Conference.
Bago ang High Speed Hitters ay hinarap muna ng Nationals ang National University Lady Bulldogs sa isang friendly match noong Miyerkules.
Pinaghahandaan ng Alas Women ang parating na 20th Asian Games sa Aichi-Nagoya, Japan.
Kaagad ipinakita ng PLDT ang kanilang lakas sa paghataw ng dalawang panalo sa nakaraang 2026 PVL On Tour.
Magkasunod na tinalo ng High Speed Hitters ang Choco Mucho Flying Titans, 25-21, 20-25, 29-27, 25-18, sa Vigan City, Ilocos Sur at ang Akari Chargers, 25-14, 26-24, 21-25, 25-10, sa Tubod, Lanao del Norte.
Bubuksan ng PLDT ang kanilang title defense sa pagsagupa sa guest team EST Cola ng Thailand sa pagsisimula ng 2026 PVL Invitational Conference sa Lunes sa Smart Araneta Coliseum.
Sina Fil-Canadian Savi Davison, Kim Kianna Dy, Majoy Baron, Mika Reyes, Alleiah Malaluan, Jovie Prado at Kath Arado ang muling isasalang ng PLDT.
- Latest























