P95 milyong puslit na yosi nasabat ng Navy
COTABATO CITY , Philippines — Nasabat ng isang grupo ng Navy ang P95 milyon halaga ng smuggled na sigarilyo sa isang offshore operation ilang milya mula sa Pangasinan Island sa lalawigan ng Sulu nitong Lunes, Agosto 24.
Kinumpirma nina Major Gen. Jose Vladimir Cagara, commander ng Western Mindanao Command, at ng top official ng Naval Command Western Mindanao na si Rear Admiral Constancio Arturo Reyes Jr. nitong Huwebes ang pagkasamsam ng seaborne team ng NCWM ng 611 malalaking kahon ng sigarilyong gawa sa Indonesia, na nagkakahalaga ng P95 milyon, sa isang anti-smuggling operation malapit sa baybayin ng Pangasinan Island.
Ang mga kontrabandong sigarilyo ay dapat sanang ide-deliver ng isang maliit na sasakyang pandagat, ang M/B Jiboy, sa mga retailer sa mga bayan sa tabing-dagat sa Zamboanga Peninsula sa Region 9, sa mga probinsya ng Sultan Kudarat sa Region 12, at sa Lanao del Sur at Basilan, na parehong sakop ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao.
Sinamsam din ng mga Navy personnel na nagsagawa ng anti-smuggling operation ang M/B Jiboy, na ngayon ay nakadaong sa seaside base ng NCWM. Lahat ng tripulante nito ay inaresto at sasampahan ng kaso dahil sa paglabag sa batas laban sa smuggling ng pamahalaan.
- Latest















