Warning sa mga titser at iba pa
MAY ilang titser na nalagay sa sentro ng kontrobersya dahil sa pagpo-post sa FB ng mga pagbabanta sa buhay ng ilang personalidad. Nang mapag-alaman ang posibleng pagdedemanda ng mga pinagbantaan, dali-daling humingi ng paumanhin ang mga naturang titser, kasabay ng pagtatanggal ng mga kontrobersyal na FB post.
Bagamat nagkamali sa kanilang ginawa, naaawa rin ako sa mga titser na ito na matatagal na sa serbisyo. Marahil ay daan-daan na, kundi man libo, ang mga estudyanteng kanilang naturuan. Marahil ay napakarami ng pagkakataon na sila’y naglingkod sa mga presinto ng COMELEC sa tuwing may eleksyon. O kaya’y tumulong sa mga relief operation sa panahon ng kalamidad. Ang reputasyon na kanilang itinayo sa loob ng mahabang panahon ay biglang bumagsak sa loob lamang ng ilang sandali.
Ang isang pagkakamali ay hindi naglalarawan sa buong pagkatao ng isang tao. Kaya lang, ganyan kalupit kung minsan ang buhay, lalo na sa mga taong itinuturing na kabilang sa mga pinagpipitaganang propesyon na tulad ng pagtuturo. Napakataas ng respeto ng lipunan sa mga titser, kaya naman mataas din ang inaasahan. Bawat titser ay ma’am ng buong komunidad. Sila’y inaasahan na maging ehemplo sa maayos na pananalita, pananamit, at pagkilos; modelo sa mabuting asal at pag-uugali; hindi nagmumura; hindi nakikipag-away; hindi nandaraya.
Bawat sabihin ng titser ay pinaniniwalaan ng isang bata, higit pa kaysa sariling magulang. Sa isang barangay, kung may isang tao na lubos na iginagalang, ito’y ang titser sa paaralang pampubliko. Ito ang dahilan kung bakit kapag may isang titser na sumala sa pagpapakita ng mabuting asal at pag-uugali, siguradong viral kaagad. Kasi, hindi ganyan ang karaniwang imahen ng isang titser. Kapag may pulitikong nasangkot sa anomalya, hindi na tayo nagugulat. Pero kapag isang titser, gulat na gulat tayo.
Isa pang pinatunayan ng mga nakaraang kaganapan, kinakailangan ang lubos na pag-iingat sa mga bagay na ipino-post sa social media, sapagkat baka ikapahamak natin ito. Bago mag-post ng anuman, pakaisipang mabuti. Ito ba’y totoo? Hindi ba ito makakasira sa pangalan ng sinuman? Ginagawa ko ba ito na may malinis na motibo?
Mahalagang warning: Huwag na huwag magpo-post ng anuman sa social media kapag galit. Ayon sa isang matandang kasabihan, ‘‘Kung maiiwasan ang isang sandali ng pagkagalit, maiiwasan ang isanlibong araw ng paghihinagpis.’’ Anumang ikasisira ng iba na ipo-post sa social media ay hindi na mababawi kahit na ito’y burahin pa. Mas mainam, magpost na lang ng mga bagay na magbibigay-dangal sa iba. O magpapalakas ng loob ng mga may pinagdadaanan.
May nakagalit ka? Huwag dalhin ang galit sa social media. Gumawa ng sulat, ibuhos roon ang lahat ng iyong galit. Pagkatapos, basahin mo nang paulit-ulit, at kapag sawa ka na, punitin mo o kaya’y sunugin. Matutuklasan mo, lalaya ka sa galit na hindi nakasasakit sa iba. Importanteng makokontrol ang galit. Wika sa Efeso 4:26, «Kung magagalit man kayo, iwasan ninyo na kayo’y magkasala.»
Ang kalayaan sa pagsasalita ay hindi lisensya sa pagbatikos sa mga lider ng gobyerno sa pamamagitan ng pagmumura, pagbabanta, at iba pang nakaiinsultong pamamaraan. Ang kalayaan ay laging may kaukulang pananagutan. Warning ito sa lahat, lalo na sa mga tunay na kagalang-galang na propesyonal sa lipunang Pilipino!
- Latest
















