Sonny at Jonvic... Magpakabayani naman kayo!
IPINAGLABAN ng mga namayapa nating mga bayani ang kasarinlan ng ating bayan na nakamit natin noong June 12, 1898 sa ilalim ng administrasyon ni Pres. Emilio Aguinaldo. Kabitenyo si Miyong at kababayan siya ni DILG Sec. Jonvic Remulla.
Ipinagdiriwang naman natin tuwing August 19 taun-taon ang birthday ni First Commonwelth President Manuel Luis Quezon na kinikilala natin bilang Ama ng Wikang Pambansa kaalinsabay sa pagdiriwang natin ng National Heroes Day tuwing August 31. Nagmula sa Quezon Province si DepEd Sec. Sonny Angara.
Magulo ang naging simula ng pulitika sa ating bansa na ang pinag-ugatan ay ang eleksyon nina Gen. Emilio Aguinaldo at Gat. Andres Bonifacio sa Kabite na humantong sa kamatayan ng magkapatid na Procopio at Andres Bonifacio. Marungis na Buena Mano ng pulitika!
Mahaba na ang nilakbay sa pamumuhay at pakikibaka ng ating mga ninuno na nakatikim ng lupit ng pananakop ng mga dayuhan. Hanggang ngayon ay alipin pa rin tayo ng kahirapan gayu’ng napakayaman ng ating kalikasan dahil sa pagsasamantala ng mga ‘‘panginoong may lupa’’ na ang karamihan ay naging mga pulitikong ganid sa kapangyarihan. Hindi ‘yung magkakapatid sa senado ang tinutukoy ko!
Maging ang mga naitatalagang opisyales sa mga sangay ng gobyerno natin ay nagsisilbing ‘‘bagman’’ lamang ng mga pulitiko upang nakawan tayo kapalit ng kakarampot na ayudang ibinibigay sa mga kapuspalad nating mamamayan. Na sa atin din nagmula!
Nakalulungkot rin isipin na bakas ang kakulangan sa pagsasanay ang mga public school teachers kung papaano sasalungatin ang impluwensya ng makabagong sulpot na kriminalidad sa bakuran ng mga paaralan. Dulot daw ito ng makabagong teknolohiya na inspirado ng kasamaan?
Imbes na mapaunlad ang kaalaman ng mga musmos na kabataan ay lalong bumaba ang kalidad ng pagkatao at nagiging kriminal pa kalaunan dahil sa impluwensya ng kademonyohan at eksaheradong programa at larong pambata na napapanood sa internet. Roblox pa more!
Panahon na upang gumawa ng makabuluhang hakbang sina DepEd Secretary Sonny Angara at DILG Sec. Jonvic Remulla bago pa mahuli ang lahat. Huwag na hintaying magamit pa sa mararahas na laro sa lnternet ang katauhan nina Emilio Aguinaldo at Andres Bonifacio. Happy Heroes Day din sa pamilya ni Gen. Antonio Luna.
- Latest



















