Alas Women hinarap ang NU sa friendly match
MANILA, Philippines — Patuloy ang preparasyon ng Alas Pilipinas Women para sa darating na 20th Asian Games sa Aichi-Nagoya, Japan sa susunod na buwan.
Kahapon ay nilabanan ng Nationals ang Lady Bulldogs ng National University sa isang friendly match kung saan bumalik na sina Alas Women pool members Vange Alinsug at Celine Marsh sa tropa ng UAAP Season 88 runner-up.
Hindi naglaro si dating Lady Bulldogs star spiker Bella Belen para sa Alas Women dahil sa kanyang right wrist injury.
Bukod kay Belen, ang iba pang bumubuo sa Alas Women pool ay sina team captain Jia de Guzman, Alyssa Solomon, Eya Laure, Thea Gagate, Dawn Catindig, Jen Nierva, Dell Palomata, Mars Alba, Justine Jazareno, Vanie Gandler, Erika Santos at Niña Ytang.
Nagmula ang mga Pinay hitters sa pagkopo sa kauna-unahang silver medal sa nakaraang 2026 Southeast Asia (SEA) V Cup Women’s Volleyball Championship Leg 2 sa Thailand.
Ang pagsali ng Nationals sa SEA V Cup ay bahagi ng kanilang paghahanda para sa Aichi-Nagoya Asiad volleyball competition na nakatakda sa Setyembre 16 hanggang 22.
Ang Alas Women ni Japanese coach Taka Minowa ay nasa Pool B kasama ang nine-time Asian Games champion China at Kazakhstan.
Ang host Japan ang namumuno sa Pool A kasama ang Indonesia at Nepal, habang nasa Pool C ang Thailand, Chinese Taipei, Kyrgyzstan at Mongolia at ang Pool D ay binubuo ng Vietnam, Republic of Korea, Hong Kong, China at Qatar.
- Latest






















