Estudyante arestado sa bomb joke sa Cebu
MANILA, Philippines — Bagsak kalaboso ang isang 20-anyos na lalaking freshman student matapos itong mag-bomb joke habang papasok sa campus ng Cebu Technological University (CTU) sa Argao, Cebu nitong Martes.
Sa ulat ng Cebu City Police, dakong alas-3 ng hapon ng mangyari ang insidente sa gate ng unibersidad sa Argao campus ng lungsod.
Ayon sa imbestigasyon, habang papasok sa campus ang estudyante at nag-iinspeksiyon ng mga bag ang kanilang security guard nang bigla niyang sinabi na “sige lang mag-inspeksiyon at may bombang sasabog na, anumang oras”.
Dahil dito, naalarma ang mga estudyante at guwardya kung kaya agad pinigil ang nasabing estudyante at dinala sa tanggapan ng Student Affairs Office. Tumawag naman ang Dean of the College of Education sa Argao Municipal Police Station (MPS) dakong alas-3:40 ng hapon par iulat ang insidente.
Ang nasabing estudyante ay itinurnover na sa mga rumespodeng pulis at isinailalim sa masusing imbestigasyon.
Sa kabila nito, sinabi ng estudyante na “biro” lamang niya umano ang kanyang nasabi at wala naman umano siyang dalang bomba.
Nahaharap ngayon ang nasabing estudyante sa paglabag sa Presidential Decree (PD) 1727 o ang Anti-Bomb Joke Law.
- Latest





















