‘Groomers’ at ‘Extremists’ sa chat groups,tukoy na-NBI

MANILA, Philippines — Natukoy na ng National Bureau of Investigation (NBI) ang isang malaking online group ng mga “groomers” at ekstremista na nanghihikayat sa mga menor- de-edad na gumawa ng karahasan.
Ito ang sinabi ni NBI Director Melvin Matibag na may kaugnayan sa isinasagawang parallel investigation para tukuyin ang mga account na muling nagpakalat o nag-circulate ng marahas na footage online para matukoy ang antas ng kanilang partisipasyon o posibleng pananagutan sa pagpapakalat ng mapaminsalang content.
Aniya, kabataang nasa edad 12 hanggang 19, na kadalasang iniimbitahan mula sa mga online game patungo sa mga hiwalay na pribadong chat group.
Umaabot sa libu-libo ang miyembro ng grupo, kung saan karamihan ay mga Pilipino kasama ang ilang banyaga.
Pinagagawa ang mga biktima ng marahas na gawain bilang bahagi ng “initiation” at binibigyan ng promosyon (tulad ng “sainthood” kung gagawin ang pagpapakamatay) kapag nakumpleto ito.
Tinitingnan ng NBI kung iisang grupo ng groomers ang nag-impluwensya sa mga naganap na pamamaril sa San Jose National High School sa Tacloban City at sa Ateneo de Zamboanga University.
Ang video na kumalat ay mula sa suot na body camera ng 14-anyos na shooter, na nagbaril din sa sarili kasunod ng pag-atake sa campus.
Magsasagawa ng profiling ang NBI sa mga nagbahagi ng mga video ng pamamaril online, at nakatakdang makipagpulong ang pamahalaan sa mga opisyal ng Meta, DICT, at CICC upang tugunan ang mga marahas na grupong ito.
Nakatakdang makipagpulong si Matibag sa mga opisyal ng Meta sa Singapore para iparating ang pangamba sa pagkalat ng marahas na content online at ang posibleng papel ng online communities sa pag-impluwensya sa mga menor-de-edad.
- Latest

















