Gregorio kumpiyansa sa Team Philippines sa Asiad
MANILA, Philippines — Naniniwala ang Philippine Sports Commission (PSC) na malalampasan ng Team Philippines ang nahakot na apat na gold medals sa nakaraang 19th Asian Games sa darating na 20th edition sa Aichi-Nagoya, Japan sa susunod na buwan.
Ilan sa mga inaasahan ni PSC chairman Patrick “Pato” Gregorio na kukuha ng gintong medalya sa Aichi-Nagoya Asiad ay sina 2024 Paris Olympics double-gold medalist Carlos Yulo sa gymnastics, tennis sensation Alex Eala, pole vaulter EJ Obiena at weightlifter Elreen Ando pati na ang mga national boxers.
“Optimism is there, expectations is there. Ang buhay ng atleta lahat gustong manalo. Tiwala ako sa puso at determinasyon ng bawat atletang Pilipino,” wika ni Gregorio.
“Nananalo tayo sa Olympics, kaya din nating manalo sa Asian Games.
Kaya rin nating maging gold medalists sa maraming sports sa Asian Games,” dagdag nito.
Kumolekta ang mga national athletes ng kabuuang apat na gold, dalawang silver at 12 bronze medals para tumapos sa No. 17 spot sa 2022 Asiad sa Hangzhou, China.
Ang apat na ginto ay nagmula sa mga panalo nina Obiena sa pole vault, Meggie Ochoa at Annie Ramirez sa women’s jiu-jitsu at ang Gilas Pilipinas men’s basketball team ni coach Tim Cone.
“Let’s look forward to that September 19 simula ng Asian Games. Hopefully, by early October makikita na natin kung ilan ang napanalo natin,” sabi ni Gregorio. “Kami ay naniniwala hihigit tayo sa apat na (ginto) medalya.”
Nakatakda ang Aichi-Nagoya Asiad sa Setyembre 19 hanggang Oktubre 4.
- Latest















