^

Punto Mo

EDITORYAL - Daming mineral ang ‘Pinas, pero iba ang nakikinabang

Pang-masa

MARAMING nahuhukay na mineral sa Pilipinas. Napakayaman ng bansang ito. Subalit nananatiling hikahos. Paano’y tagahukay lang ang bansa ng mga yamang ito at ini-export bilang raw materials. Ibang bansa ang hinahayang makalikha nang mas ma­laking halaga mula rito. Kawawang bansa na inagawan ng yaman!

Ito ang gustong baguhin ng Executive Order No. 122 na nilagdaan ni President Ferdinand Marcos Jr. noong Biyernes (Agosto 21). Layunin nitong bumuo ng mas malawak na industriya para sa critical minerals, mula pagmimina hanggang processing, refining, manufacturing, at paggawa ng mga produktong ginagamit sa batteries, electric vehicles, electronics at clean energy.

Napapanahon ito. Tinatayang siyam na milyong ektarya sa bansa ang may potensiyal na mineral resources. Mayroon din tinatayang $170 bilyong nickel deposits at 4.8 milyong metric tons na nickel reserves. Ngunit malaking bahagi ng nickel ay ini-export pa rin ng bansa bilang raw ore.

Dito dapat magbago ang direksiyon.

Kung dito nagmumula ang mineral, bakit hindi rito iproseso? Bakit hindi rito gawin ang batteries at components? Bakit hindi Pilipino ang makinabang sa skilled jobs, teknolohiya at mas malaking kita?

Magandang simula ang EO 122 dahil nagbibigay ito ng suporta sa domestic processing at value-added industries. Ngunit may puwang pa rin: hindi nito ipinagbabawal ang raw ore exports at wala ring malinaw na requirement para sa technology transfer at Filipino ownership.

Kasabay nito, hindi dapat maging dahilan ang industrialization para lumuwag ang regulasyon.

Paalala ang nangyari sa Sanjia Steel sa Misamis­ Oriental. Isinara ng DENR ang planta matapos maka­kita ang mga awtoridad ng radioactive uranium at thorium sa raw materials nito. May mga steel product din na tinukoy na substandard at “structurally risky.”

Ipinakikita nito na hindi sapat ang basta pagtatayo ng processing plants. Kailangang mahigpit ang pagpapatupad ng environmental, labor at safety standards.

Hindi kailangang mamili ang Pilipinas sa pagitan ng pagmimina at pangangalaga sa kalikasan. Ang kailangan ay industriyang responsable at mas malaking bahagi ng kita ang nananatili sa bansa. Huwag makuntento na tagahukay ng yamang pinakikinabangan nang marami. Ang sukatan ng EO 122 ay hindi kung gaano karaming mineral ang mahuhukay, kundi kung gaano karaming trabaho at oportunidad ang mapapakina­bangan ng bansa sa mga likas na yaman.

MINERALS

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Recommended
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with