Metropolitan Government isinusulong vs baha at basura

MANILA, Philippines — Nanawagan si Caloocan City 2nd District Rep. Edgar R. Erice sa Kongreso na likhain ang isang tunay, demokratiko, at may pananagutang Metropolitan Government para sa Metro Manila upang mas epektibong matugunan ang patuloy na suliranin sa pagbaha, trapiko, basura, pabahay, at pagkasira ng kapaligiran.
Sa kanyang privilege speech na “Di Na Natuto: The Case for a Metropolitan Government for Metro Manila,” sinabi ni Erice na bagama’t iisang metropolis ang Metro Manila, nananatili itong nahahati sa 16 na lungsod at isang munisipalidad na may magkakaibang prayoridad at pamamahala. Aniya, hindi kinikilala ng mga problema tulad ng baha, polusyon, trapiko, at basura ang hangganang pampulitika kaya kailangan ng isang pinagsama-samang solusyon.
Binigyang-diin ni Erice na hindi aalisin ng panukala ang awtonomiya ng mga lokal na pamahalaan, kundi magtatatag ng isang metropolitan authority na tututok sa mga usaping nangangailangan ng koordinasyon sa buong rehiyon. Iminungkahi niya ang pagkakaroon ng halal na Metropolitan Governor at Metropolitan Legislative Assembly na mamamahala sa transportasyon, flood control, solid waste management, land-use planning, pabahay, at pangangalaga sa kalikasan.
Ayon kay Erice, kailangan ng Metro Manila ng pangmatagalang plano at malinaw na liderato upang maresolba ang mga problemang ilang dekada nang nararanasan. Giit niya, hindi na sapat ang pansamantalang solusyon at panahon na para magkaroon ang kabisera ng isang pamahalaang may buong pananagutan sa pag-unlad ng buong metropolis.
- Latest



















