Guro binantaang pupugutan, iskul pasasabugin!

Mga estudyante sa Negros Occidental nabulabog
MANILA, Philippines — Lumikha ng matinding takot sa mga estudyante at maging mga guro ang bantang pamumugot ng ulo sa isang class adviser at pambobomba sa kanilang pampublikong paaralan sa high school sa Kabankalan City, Negros Occidental, ayon sa ulat kahapon.
Sa report ni Kabankalan City Deputy Police Station Chief P/Lt. Col. Nolly Gudaca, isang hindi nagpakilalang indibiduwal na gumamit ng “dummy account” ang nagposte sa social media nitong weekend ng pagbabanta sa buhay ng isang 30-anyos na guro na nangangasiwa sa paaralan na umano’y pupugutan ng ulo.
Nagbanta ring magpapasabog sa nasabing eskuwelahan at may nakatanim na ang bomba rito.
Nagresponde naman nitong Agosto 24 ang mga pulis nang matanggap ang nasabing report na agad nagsagawa ng pagiinspeksiyon sa paaralan.
Gayunman, matapos ang ilang oras na paghahalughog ng mga elemento ng Kabankalan City Police Explosives and Ordinance team ay negatibo sa bomba ang nasabing paaralan.
Samantalang pinalakas din ng mga awtoridad ang seguridad sa premises ng paaralan para sa kaligtasan ng mga guro at estudyante.
Nabatid na deactivated na ang dummy account ng misteryosong nagbanta ng karasahan laban sa guro at mga estudyante.
- Latest






















