Eldrew tinuturuan ni Kuya Caloy

MANILA, Philippines — Sa ikalawang sunod na pagkakataon ay magsasamang muli ang magkapatid na Carlos at Eldrew Yulo sa iisang gymnastics event.
Sabay na sasalang ang 26-anyos na si Caloy at ang 18-anyos na si Eldrew sa darating na 20th edition sa Aichi-Nagoya, Japan sa susunod na buwan.
Sinabi ni Eldrew na ibinabahagi sa kanya ni Carlos, ang double-gold medalist sa 2024 Olympic Games sa Paris, ang mga eksperyensa at nalalaman nito para paghandaan ang Aichi-Nagoya Asiad.
“Okay naman po kasi nagtutulungan din po kami sa mga bagay na may alam siya,” wika ni Eldrew kay Carlos. “So we share, nagse-share kami ng knowledge about it.”
Unang nagsama sa isang event sina Carlos at Eldrew sa nakaraang 13th Senior Artistic Gymnastics Asian Championships noong Hunyo sa Zunyi, China.
Inangkin ni Caloy ang gold, habang nakuntento si Eldrew sa bronze sa men’s floor exercise.
Nauna nang nagwagi si Eldrew ng gold medal sa floor exercise ng nakaraang FIG World Cup sa Antalya, Turkiye noong Mayo.
Hindi pa nananalo ng medalya ang bansa sa Asiad.
Nakatakda ang quadrennial event sa Setyembre 19 hanggang Oktubre 4.
Kasama nina Carlos at Eldrew sina Southeast Asian Games gold medalist Miguel Besana, SEA Games bronze medalist Justine Ace De Leon at Fil-Am gymnast at U.S. NCAA standout Zachary Nunez sa men’s artistic gymnastics team.
Sina Paris Olympian Levi Jung-Ruivivar, U.S. NCAA standout Kylee Kvamme, Chiara Andrew, Haylee Garcia at Lauren Supnet ang bumubuo sa women’s artistic gymnastics squad.
- Latest





















