Minamanehong SUV ni Niño Muhlach sumalpok; 1 sugatan
MANILA, Philippines — Sumalpok ang minamanehong sasakyan ng actor na si Niño Muhlach sa kahabaan ng Brgy.Mambugan, Marcos Highway, Antipolo City, Rizal nitong Linggo ng hapon.
Sa inisyal na ulat na ang SUV na minamaneho ni Muhlach ay nakasalpok ng isang lalaki, motorcycle, at dalawang establisyimento na nasa bangketa.
Inamin ni Muhlach na siya ay nakaidlip sa pagmamaneho kaya’t nawalan ng kontrol sa manibela na naging dahilan para lumihis ng linya at dumiretso sa gutter at nasalpok ang isang karinderya na may isang lalaking rider na kumakain ang nasugatan at barber shop.
Dinala sa ospital ang lalaki dahil sa pananakit ng tagiliran, likod at hita, habang ang motorsiklo niya ay pumailalim sa sasakyan ng aktor.
Nasira naman ang barber shop at isang sari-sari store.
Sinagot umano ni Muhlach ang pagpapa-ospital ng rider, nagbigay din ng P3,000 sa karinderyang nasagi sa gilid ng kalye habang nakipag-areglo na rin sa mga may-ari ng dalawang establisyemento para sa pagpapagawa.
Nabatid na hindi kaagad bumaba ng sasakyan ang aktor dahil sa pangamba na kuyugin siya ng dumaraming tao na nag-usyoso sa pangyayari.
Nabatid din na ang nasangkot na SUV ay bagong bili lang niya na ibinahagi niya pa sa social media.
- Latest


















