^

Punto Mo

Nakasulat na kontrata nararapat ba?

DEAR ATTORNEY - Atty. Aeron Aldrich B. Halos - Pang-masa

Dear Attorney, 

Supplier ako ng mga produkto pero wala kaming pormal na kontratang pinirmahan ng mga sinusuplayan ko ng mga paninda. Ang mayroon lang ay mga delivery receipts lang at statements of account na ipinapadala ko sa mga sinusuplayan ko. Iniisip ko po kung ok lang bang walang kontrata at makakapaghabol ba ako kung sakaling hindi ako bayaran? — Ronald

Dear Ronald,

Sa kasong Villanueva v. Coca-Cola Bottlers Phils., Inc. (G.R. No. 264746, 07 August 2024), ang kontrata sa pagbebenta ng mga produkto ay hindi kailangang nakasulat upang maging valid o magkaroon ng bisa. Sa nasabing kaso, siningil ng Coca-Cola si Marcelina Villanueva para sa mga produktong nai-deliver ngunit hindi nabayaran. Depensa naman ni Villanueva, walang pormal na dealership agreement sa pagitan niya at ng Coca-Cola at ang mga pamangkin niya ang tunay na nagpapatakbo ng negosyo. Sa huli, pinanigan ng Korte Suprema ang Coca-Cola at inatasan si Villanueva na bayaran ang mga produktong natanggap.

Paliwanag ng Korte Suprema, kahit walang nakasulat na kontrata, napatunayan ng Coca-Cola na mayroong kasunduan sa pagbebenta batay sa mga delivery invoices, statements of account, at sa mismong pagtanggap ng mga produkto. Ayon sa Civil Code, ang kontrata ng pagbebenta ay nagkakaroon ng bisa sa sandaling magkasundo ang dalawang panig sa bagay na ibinebenta at sa presyo nito, kahit walang nakasulat na kasunduan.

Mayroon lamang isang limitadong pagkakataon na kinakailangang nakasulat ang kontrata ng bentahan at ito ay kapag sakop ang transaksyon ng tinatawag na Statute of Frauds sa Article 1403 ng Civil Code, kung saan nakasaad na kailangang nakasulat ang bentahan ng mga produkto na nagkakahalaga ng hindi bababa sa P500 upang maging enforceable sa hukuman. Gayunman, hindi na kailangang nakasulat ang kontrata ng bentahan kung ang mga produkto ay nai-deliver na at tinanggap ng mamimili, dahil sa ganitong sitwasyon ay napatunayan na ang kontrata sa pamamagitan ng aktuwal na pagtupad ng obligasyon.

Sa madaling sabi, kung natanggap na ng mga sinusuplayan mo ang mga paninda o produktong ibinenta mo, umiiral na ang kontrata  sa pagitan niyo kahit walang pormal na kasulatan. Ang mismong pagtanggap at paggamit ng mga produkto ay sapat na patunay ng pagkakaroon ng kasunduan, at may obligasyon na silang bayaran ang halaga ng mga ito.

CONTRACT

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with