Empleyado ipinatumba ng babaeng katrabaho!

Nag-hire ng 2 ‘hitman’ sa halagang P29K
MANILA, Philippines — Patay ang isang 35-anyos na utility worker ng isang fastfood chain nang pagbabarilin ng dalawang armadong lalaki sa utos umano ng katrabahong babae na nasibak dahil sa kanilang pag-aaway, nitong Huwebes sa Nueva Ecija.
Hindi pa tinukoy ng pulisya ang pangalan ng biktima habang arestado ang tatlong suspek kabilang ang nasabing babae na itinuturong “mastermind” sa pagpatay.
Sa imbestigasyon ng Jaen Police Station, naganap ang insidente sa isang fastfood chain sa Brgy. Don Mariano Marcos, Jaen, Nueva Ecija nitong Agosto 20 ng umaga kung saan lumalabas na planado ang krimen at nag-ugat sa lumang alitan ng biktima at ng babaeng suspek na kaniyang dating katrabaho.
Natanggal umano sa trabaho ang babaeng suspek dahil sa kanilang pagtatalo ng biktima.
Dahil sa galit, umupa umano ng “hitman” ang babae at binayaran ang dalawa nitong kasabwat ng kabuuang P29,500 upang itumba ang biktima.
Nabatid na P13,000 ang ibinayad sa drayber ng getaway motorcycle, habang ang natitirang halaga ay napunta sa gunman na bumili pa umano ng revolver sa halagang P2,000 para gamitin sa pamamaril.
Unang nadakip sa follow-up operation ang drayber ng motorsiklo na siyang nagturo sa kinalalagyan ng babaeng “utak” sa krimen, habang huling nahuli ang gunman sa Barangay Valdefuente, Cabanatuan City.
Nakakulong na sa Jaen Police Station ang tatlong suspek na sasampahan ng kasong murder.
- Latest



















