Romnick, walang pakialam sa TF ‘pag matapang ang ginagawa

“Financially tanga ako,” kumpisal ni Romnick Sarmenta kasabay ng pag-amin na blessed at fortunate siya na mapasama sa matapang na six-part mini-series na Drug War: A Conspiracy of Silence ng Rein Entertainment na kasalukuyan nang napapanood sa YouTube channel ng Rein Entertainment.
As in wala raw siyang pakialam sa TF (talent fee) basta sa tingin niya ay worthy ang proyekto ayon sa actor nung nakausap namin siya sa advance screening ng ika-apat na episode nito na ginanap sa Cinema ‘76 last Wednesday.
Ginagampanan niya ang papel bilang Ramon Agustin sa Drug War na nakatuon sa kuwento ng ‘tokhang.’
“More than that, gusto kong malaman nila ‘yung nangyayari sa kapwa nila. More than that, gusto kong sabihin na pwede bang magmalasakit tayong lahat sa isa’t isa? Pwede bang may pakialam tayo? Hindi sa pakikialam kundi ‘yung may kinalaman tayo at meron tayong gustong itulong sa buhay ng kasama natin sa buhay, ‘di ba? ‘Yung ganun lang. So it was very easy. It was very easy when I heard about the project and they said ‘sama ka.’ Sabi ko ‘game, go,’ ‘di ba? Parang it matters and anything that matters should matter to everyone,” paliwanag niya.
Si Ramon ay isa sa mga naging biktima ng ‘tokhang.’ Anak niya si Kiko (Harvey Bautista) sa series na ang husay rin, isang rehabilitated drug user na pilit dinidiskubre ang naging kaso ng ama katulong ang pari na si Tom Carillo (Ian Veneracion).
“I felt like it also starts to tell the story. Parang siya ‘yung pinakamagandang take off point para mabuksan ‘yung usapin. And it’s an honor to play that role,” panimula ni Romnick sa talk back matapos ang screening dahil sa nangyari sa character niya.
Bukod sa kontrobersyal na tema nito, at sa pagiging matapang magpahayag ng kanyang mga opinion sa social media, natanong si Romnick kung hindi ba siya takot mabahiran ang reputasyon sa pagpayag niyang gawin ang proyekto.
Hindi raw ito para sa pride o ego.
At aniya kung may fan man daw siya na bibitaw sa pagsuporta dahil pinanindigan niya ang proyekto, ibig sabihin, hindi siya tunay na sinusuportahan nito.
Inamin din niyang marami siyang offer na pasukin ang pulitika pero hindi raw pumasok sa isip niya na tanggapin ang nasabing mga offer.
Sa kasalukuyan ay nakadepende na lang sa mga kuwento ng pelikula ang role na kanyang gagampanan.
In fact, handa siyang gumanap na si dating president Duterte (Rodrigo Duterte) o Pres. Marcos (Ferdinand Marcos Sr.).
Sa unang sagot niya ay baka raw hindi niya tanggapin pero nagbago ang sagot niya.
“Well depende rin siguro sa material. Oo! Kasi ginawa namin ‘yung play na Kumprontasyon ni Ron Capinding. Siya ‘yung fictional Marcos, ako ‘yung fictional Ninoy (Aquino).
“At first sabi ko, gusto kong i-play ‘yung fictional Ninoy. Pero habang tumatakbo ang play, sabi ko, parang ang sarap mag-Marcos.
“Kasi ‘yung material, eh. ‘Yung material ang nagpakita sa akin ng dichotomy nila, at ‘yung maaaring pinanggagalingan nito. So, ang ganda ng piyesa.
“So parang sabi ko, kahit ano ang ibigay sa akin, tatanggapin ko. Material talaga!” pagkukuwento ni Romnick.
Samantala, halos one million views na ang Drug War... sa Rein Entertainment YouTube channel na malamang habang binabasa ninyo ito ay meron na itong 1 million views na tumataas tuwing may lalabas na bagong episode every week.
Itinuturing nga ng Rein ang YouTube bilang long-term platform para sa mga gagawing premium content sa Pilipinas kaya’t committed ang kumpanya nina Direk Shugo Praico, Philip King (isa sa writers ng Drug War) at Direk Lino Cayetano sa pagpapalakas ng sariling channel na para sa Pinoy storytelling.
Kasama rin sa cast sina Jane Oineza, John Arcilla (na ang ganda rin ng role), at marami pang iba na nakatakda namang i-release ang series finale sa Sept. 3.
- Latest

























