^

PSN Palaro

Eala sumalang agad sa ensayo sa New York

Chris Co - Pilipino Star Ngayon
Eala sumalang agad sa ensayo sa New York
Si Pinay tennis star Alex Eala kasama ang kanyang amang si Michael sa kanyang ensayo sa Arthur Ashe Stadium sa New York para sa US Open. (
Michael Eala/Instagram

MANILA, Philippines — Dumating na sa New York si Alex Eala para ipagpatuloy ang paghahanda nito sa US Open.

Agad na sumalang sa ensayo si Eala sa Arthur Ashe Stadium kasama ang kanyang team.

Bantay-sarado ito ni Rafael Nadal Academy coach Joan Bosch habang pumapalo ito.

Naglabas pa ng video ang US Open social media habang nagsasanay si Eala sa center court.

“Alex Eala has arrived,” ayon sa post ng US Open.

Umani na ng mahigit 12,000 like ang naturang video ni Eala kung saan hinahasa nito ang kanyang backhand shot.

Sasabak muna si Eala sa mixed doubles event kasama si world No. 4 Felix Auger-Aliassime ng Canada simula Agosto 24.

Matapos nito, magkakaroon ng exhibition match si Eala at kaibigang si Iva Jovic ng Amerika sa Agosto 27.

Magsisimula naman ang main draw ng singles sa Agosto 30 na tatakbo hanggang sa Setyembre 13.

Matagal-tagal din na nakapagpahinga si Eala para makarekober ang katawan nito matapos ang sunud-sunod na laban nito sa hard court season.

Nakatakdang maipormalisa ngayong araw ng Lunes ang No. 18  puwesto nito sa WTA rankings.

Dahil sa kanyang ma­taas na ranking, sigurado na si Eala na magiging seeded player ito sa US Open main draw.

Pakay ni Eala na m­a­lam­pasan ang second-round finish nito noong nakaraang taon.

Nakapasok sa second round si Eala matapos igupo si Clara Tauson sa iskor na 6-3, 2-6, 7-6.

Ngunit naputol ang ratsada ni Eala nang matalo ito kay Cristina Bucsa, 4-6, 3-6.

Sa taong ito, mas mataas ang moral ni Eala lalo pa’t maganda ang ipinakita nito sa mga nakalipas na torneo.

Nakaabot si Eala sa fourth round ng Wimbledon Championship sa London, England habang nagkampeon naman ito sa Mubadala DC Open sa Washington, DC.

Bago ang US Open, sumalang si Eala sa National Bank Open sa Toronto, Canada kung saan nakasampa naman ito sa third round.

ALEX EALA

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with