574 lugar sa Luzon, Visayas lubog pa rin sa baha – OCD

MANILA, Philippines — Hindi pa humuhupa ang baha sa 574 lugar sa malaking bahagi ng Luzon at ilang bahagi ng Visayas na naapektuhan ng dalawang nagdaang bagyo at ng Habagat, ayon sa ulat ng Office of Civil Defense (OCD) nitong Sabado.
Ayon kay OCD Assistant Spokesperson Diego Agustin Mariano, umabot na sa 2.1 milyong pamilya o katumbas na 7.4 milyong indibidwal ang naapektuhan ng masamang panahon sa 10 rehiyon ng bansa.
Kasama sa mga tinamaan ng matinding ulan at pagbaha ang Cordillera Administrative Region (CAR); Ilocos Region; Cagayan Valley; Central Luzon; National Capital Region (NCR); Calabarzon; Mimaropa; Bicol Region; Western Visayas; Eastern Visayas, at Zamboanga Peninsula.
Pinakamatinding binaha ang Central Luzon – 446 lugar; MIMAROPA (42); Ilocos Region (35); Western Visayas (26), at Calabarzon (25).
Sa kasalukuyan, nasa 11,900 pamilya o 40,600 katao ang nananatili sa 549 evacuation centers. Mahigit P1.1 bilyon na ayuda ang naipamahagi ng pamahalaan habang umabot sa P6.6 bilyon ang pinsala sa agrikultura at imprastraktura.
Nasa 89 lugar na ang idineklara sa ilalim ng state of calamity, kabilang ang: Dagupan City, Sta. Barbara, Mangaldan, Bugallon, Mangatarem (Pangasinan); buong lalawigan ng Bataan (12 lugar); Bulacan (24); Pampanga (21); Cavite (23); Masinloc, Zambales; Nasugbu, Batangas, at Rodriguez, Rizal.
- Latest



















