Trike drivers, gagawing emergency responders
MANILA, Philippines — Gagawing mga emergency responders ang mga tricycle drivers sa bayan ng Montalban matapos ilunsad ang LTO TODA Rescue 2026 sa Barangay San Isidro.
Sa ilalim ng programa, sumailalim sa training ang mga miyembro ng Tricycle Operators and Drivers Association (TODA) hinggil sa road safety, basic life support, first aid, emergency response, at accident scene management. Layunin nitong mabigyan sila ng sapat na kaalaman upang makapagbigay ng paunang tulong habang hinihintay ang pagdating ng mga professional responder.
Ayon sa Land Transportation Office (LTO), mahalaga ang ganitong pagsasanay dahil ang mga tricycle driver ay araw-araw na nasa kalsada at maaaring unang makaresponde sa mga insidente.
Pinangunahan ang aktibidad ng LTO Cainta Extension Office at LTO Montalban District Office, katuwang ang lokal na pamahalaan, Barangay Disaster Risk Reduction and Management Office, at mga opisyal at miyembro ng TODA sa Montalban.
Una nang sinabi ng LTO Region IV-A na ang hakbang ay bahagi ng pagsusulong ng mas ligtas na kalsada at mas handang komunidad, kung saan ang mga ordinaryong driver ay maaaring maging mahalagang katuwang sa pagsagip ng buhay sa panahon ng emergency.
- Latest





















