Hepe ng HPG-NCR, 12 tauhan sibak sa palpak na raid!
MANILA, Philippines — Sinibak sa pwesto ang hepe at 12 tauhan ng Highway Patrol Group-National Capital Region (HPG-NCR) dahil sa palpak na raid sa isang compound ng incinerator facility sa Bulacan.
Ang relief order ay inisyu ng PNP-HPG sa pamamagitan ng magkahiwalay na Special Orders na inilabas noong Agosto 20 at 22, 2026, para sa re-assignment ni PColonel Joey Tomas Caise at 12 tauhan nito .
Mula sa Regional Highway Patrol Unit (RHPU)-NCR si Caise ay napunta sa Human Resource Management and Doctrine Development Division (HRMDD) gayundin sina PLt. Col. Carlo Carreon Loñosa, PMaj. Romar Amparo Exile, PSMS Dennis Attaban Ancheta, PSMS Jake Cleopas Balberde, PSMS Bryan Nicol Castillo, PCpl Melvin Da-Ut Habbiling, PCpl. Edrick Prologo Semilla, PCpl Reneboy Puno Sumbilon, Pat. Gabriel Darole Capellan, Pat. Jefrey Buela Carilo, Pat Bill Anthony Birao Estrada, Pat Andrew, at Bernardino Marzan.
Inilabas ang relief order kasunod ng social media post ng beteranong broadcaster na si Ramon Tulfo na nagsasabing isang grupo ng mga tauhan ng HPG-NCR, na diumano’y pinamumunuan ni Lt. Col. Carlo Loñosa, ay hinarass, dinisarmahan at tinutukan pa ng baril ang mga ahente ng Bureau of Customs habang sinusubukan diumanong kunin ng mga pulis ang mga smuggled na sigarilyo mula sa isang incinerator facility sa Bulacan.
Agad umanong tinawagan ni Customs Commissioner Ariel Nepomuceno ang matataas na opisyal ng PNP upang ipaalam at kondenahin ang insidente.
Nagkagirian pa umano ang mga tauhan ng Bureau of Customs (BOC) at HPG nang salakayin ang incinerator facility para kunin umano ang mga sinusunog na smuggled na sigarilyo.
- Latest

















